Jump menu

Main content |  back to top

Press Release

PARA SA INYONG KAALAMAN - Ang katotohanan tungkol sa Shell tax issue

Kamakailan, napabalita ang usapin ukol sa umano’y hindi pagbabayad ng Pilipinas Shell Corporation (SHELL) ng excise tax para sa pag-angkat ng Catalytic Cracked Gasoline (CCG) at Light Catalytic Cracked Gasoline (LCCG), na nagkakahalaga ng P7.35 bilyon mula taong 2004-2009.

Upang mabigyang-linaw at maiwasto ang mga maling paratang na ito, nais ng Shell na malaman ng publiko ang katotohanan tungkol sa isyung ito:

1. “Shell lang ang kumpanyang hindi nagbabayad ng excise tax” – Walang katotohanan ang paratang na ito. Tulad ng ibang mga kumpanya ng langis, nagbabayad ang Shell ng karampatang buwis o excise tax sa pamahalaan para sa lahat ng “finished products” nito. Sa katunayan, mula 2004 hanggang 2009, mahigit sa P37 bilyon ang ibinayad ng Shell na excise tax para sa mga finished products ng kumpanya. Ang kaibahan lang ay kung kailan at kung saang ahensya ng gobyerno nagbabayad ng excise tax. Ang mga kumpanyang nag-aangkat ng mga “finished products” tulad ng Chevron, Total at iba pang maliliit na kumpanya ng langis ay nagbabayad ng excise tax sa Bureau of Customs (BOC). Samantalang ang Shell na isang refiner at gumagawa ng “finished products” na ibinebenta nito sa local na merkado, ay nagbabayad ng excise tax sa Bureau of Internal Revenue (BIR) paglabas sa refinery ng mga “finished products” nito tulad ng gasolina, diesel, atbp. Hindi nagbabayad ng excise tax sa pag-angkat ng Catalytic Cracked Gasoline (CCG) at Light Catalytic Cracked Gasoline (LCCG) ang Shell dahil ang mga ito ay  raw material o sangkap lamang sa paggawa ng gasolina, at hindi pinapatawan ng excise tax. Pero kapag naihalo na ito para maging gasolinang pambenta sa publiko, saka nagbabayad ang Shell ng excise tax sa BIR. Samakatwid, lahat ng buwis na dapat bayaran sa gobyerno ay nabayaran na ng Shell.

 
2. “Sabi ng BOC, finished products ang CCG at LCCG” – Sa pagsusuri noong 2003 ng Department of Energy (DOE), ang ahensyang may ekspertong kakayahang magklasipika sa mga produktong petrolyo, ang LCCG/CCG ay kabilang sa mga raw gasoline component o sangkap na inihahalo upang makagawa ang Shell ng mga gasolinang papasa sa mga pamantayan ng Clean Air Act (CAA) at Philippine National Standards (PNS) para maibenta sa publiko. Napatunayan din ng sariling Verification Committee ng Bureau of Customs na hindi ibinebenta ng Shell ang LCCG/CCG sa publiko at sa halip ay inihahalo ito upang makagawa ng mga gasolina.

 
3. “Nandaya raw ang Shell sapagkat nang mag-angkat ito ng CCG ay idineklara nila ito sa BOC bilang gasolina subalit raw material naman ang kanilang idineklara sa BIR” – Wala itong katotohanan sapagkat ni minsan ay hindi ninais ng Shell na manlinlang o mandaya ng ahensya ng pamahalaan. Gaya ng palagi naming sinasabi, ang CCG/LCCG ay isang uri ng gasolina subalit hindi ito maaaring gamitin o ipagbili sa publiko nang hindi hinahaluan ng iba pang sangkap upang pumasa  sa mga pamantayan ng Clean Air Act at PNS para sa gasolina. Samakatuwid, raw material at hindi finished product ang CCG at LCCG.

 
4. “Tinatakot lamang ng Shell ang gobyerno nang sabihin nitong kapag matuloy ang pagsamsam ng BOC sa mga produkto nito ay titigil ang Shell sa pag-angkat ng langis at magsasara ng refinery na magreresulta sa kakulangan ng suplay." -- Hindi balak o nais ng Shell na manakot sa pamamagitan ng blackmail. Ito ay pagtugon lamang sa aming responsibilidad na ipaalam sa publiko ang maaaring mangyari kapag kinuha ng BOC ang mga inangkat naming produkto. Kapag nangyari ito, wala kaming langis na gagamitin sa aming refinery at wala rin kaming mga produktong maibebenta sa publiko. Mapipilitan kaming magsara.  Dahil dito, mahihirapan ang ibang mga kumpanya ng langis na  punan ang pangangailangan ng publiko sapagkat 30% ng merkado ay sinusuplayan ng Shell. Hindi namin gustong mangyari ito, subalit upang maging malinaw sa lahat, lalo na sa publiko at sa ating pamahalaan, ay kailangan naming ipabatid sa lahat ang magiging resulta ng maaaring maging aksyon ng BOC na wala namang matibay na basehan.
 

Sa katunayan, bago pa man matapos ang 60 araw na Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Court of Tax Appeals at bagamat nasa kamay na ng Shell ang mga inangkat na langis at nakapagbayad na ng karampatang buwis ang kumpanya sa Customs, tinangka ni Batangas Customs Collector Juan Tan na gamitin ang Section 1508 ng Tariff Code upang kunin ang mga inangkat na produkto ng Shell. Ayon sa Section 1508 ng Tariff Code, hindi maaaring kunin ng Customs ang anumang pag-aari na ng Shell dahil tanging mga produktong iniaangkat pa lamang ang maaari nilang kumpiskahin. Gayunpaman, pinilit ni BOC Collector Tan na kunin ang mga nasabing produktong nasa pag-aari na ng Shell kaya naman napilitan ang Shell na dumulog sa Regional Trial Court ng Batangas upang mapigilan ang pagkumpiska ng Customs.

 
5. “Binigyan ng special treatment ang Shell nang nakuha nito ang tax exemption mula sa BIR bunsod ng isang ruling noong 2003” – Ito ay walang katotohanan. Tulad ng nasabi na namin sa unang bahagi ng pahayag na ito, nagbabayad ang Shell ng lahat ng excise tax nito sa mga finished product. Sa katunayan, dahil sa desisyon ng kasalukuyang BIR Commissioner Joel Tan-Torres, tanging Shell lamang ang kumpanya ng langis na dalawang beses magbabayad ng excise tax simula Enero 2010! Gayunpaman, ayon sa opisyal na ulat noong Enero 27, 2010 ng House of Representatives Committee on Ways and Means na siyang tumatalakay sa mga usapin ukol sa pagpataw ng buwis, ang desisyon ni Commissioner Tan-Torres ay hindi sang-ayon sa batas at hindi maaaring pahintulutan. Ayon sa ulat, ang nasabing desisyon ay nagpapataw ng dobleng buwis sa mga inaangkat na produkto ng Shell na CCG at LCCG - una, bilang raw materials na iniaangkat mula sa ibang bansa at pangalawa, bilang finished product na gasolina bago ilabas sa refinery ng Shell at ipagbili sa publiko. Nanindigan ang Komite na ang pagpataw ng dobleng buwis ay isang malinaw na pang-aabuso ng kapangyarihan ng Commissioner ng Internal Revenue at isang paglabag sa Saligang Batas na tanging sa Kongreso lamang ipinagkakaloob ang kapangyarihang magpataw ng buwis.

Labis kaming nababahala sa mga desisyon at gawain ng BOC at BIR ukol sa usaping ito dahil sa mga sumusunod:
 

1. Dahil sa desisyon ni Tan-Torres ukol sa dobleng pagpataw ng buwis (sa mga raw materials na inaangkat at sa mga finished products), nalalagay sa alanganin ang Shell kung ikukumpara sa ibang mga kumpanya ng langis. Pero higit pa dito, maaari itong maging dahilan ng paglayo ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan na nais sanang magtayo ng negosyo sa ating bansa dahil sa:

    A. sumasalamin ito sa walang katiyakan at pabago-bagong mga patakaran at polisiya ng ating pamahalaan 
    B. dobleng pagpapataw ng buwis sa mga negosyong magtatayo ng pagawaan ng produkto
 

2. Ipinapakita rin ng usaping ito kung paano maaaring abusuhin ng mga kawani ng gobyerno ang kanilang kapangyarihang mangumpiska ng mga produktong inaangkat habang hindi pa tuluyang nareresolba ng korte ang isyu.

 
Naniniwala ang Shell na ang mga prinsipyong matagal ng pinapairal ng aming kumpanya ay naging susi ng aming tagumpay sa industriyang ito. Naniniwala kami na ang aming pangalan at reputasyong pinag-ingatan sa loob ng mahabang panahon ay mananatiling walang bahid at malinis habang kami ay nananatiling tapat sa batas at sa aming mga prinsipyo.

Muli, nais naming linawin na ang Pilipinas Shell Petroleum Corporation ay nagbayad ng lahat ng buwis sa CCG. Nananatili ang Shell sa listahan ng Top 10 Taxpayers ng pamahalaan at sa loob ng nakalipas na 5 taon ay nakapagbayad na ito ng humigit-kumulang P26 bilyon kada taon.

Patuloy na magsusumikap ang Shell na maayos ang isyung ito sa pamamagitan ng mga legal na pamamaraan. Mahalaga para sa amin na malutas ang problemang ito sa lalong madaling panahon. Bahagi ng aming mga prinsipyo ang ipabatid sa publiko ang katotohanan ukol dito dahil naniniwala kaming may karapatan kayong malaman ang totoo.